Abante Tonite Interactive

55 Lumad school ipinasara, iniuugnay sa komunistang rebelde

261

By Juliet de Loza-Cudia

May 55 Lumad school Davao Region ang binigyan ng limang araw para magpaliwanag sa alegasyon na sila ay may kaugnayan sa kilusan ng rebeldeng komunista.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Region 11 S­pokesman, J­enielito Atillo, nalaman na sinuspinde ni DepEd Secretary Leonor Briones ang ‘permit to operate’ ng 55 paaralan na pag-aari ng Salugpungan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Centers sa iba’t ibang lugar sa Davao Region noong Biyernes.

Kaakibat umano ng suspension ay ‘show cause’ order na nag-aatas kay Salugpungan executive director Maria Eugenia Nolasco na magsumite ng written explanation sa alegasyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Sinabi ni Esperon, chairman ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na ang Salugpungan tribal school system ay nagpu-promote ng idelohiya ng NPA.

Sinasanay rin nito ang mga estudyante sa pagsasagawa ng bayolenteng pagpapatalsik sa gobyerno, sinasanay rin ang mga estudyante na magsagawa ng mass action laban sa gobyerno at paggamit ng mga curriculum na hindi sumusunod sa alituntunin ng DepEd.

“Today (Friday) is the first day and we will wait up to the fifth day and we hope they (Salugpungan schools) can respond,” ayon kay Atillo.

Sinabi ni Atillo, na ang alegasyon ni Esperon ay sinusuportahan ng testimonya ng dating guro ng Salugpungan school na kumalas sa organisasyon.

“The basis of Secretary Esperon is the affidavit executed by Melvin Loyod who is a former student of a certain Salugpungan school and eventually became a volunteer teacher in a Salugpungan school in Sitio Pongpong, Barangay Sto. Niño Talaingod Davao del Norte,” ayon kay Atillo.

Nilinaw pa ni Atillo na hindi nag-isyu ang DepEd-11 ng anumang permit sa Salugpungan schools para SY (school year) 2019-2020 bago pa man dumating ang order.

Nabatid na dahil sa pagpapasara sa Saluhpubgan schools ay may libong estudyante ang naapektuhan.