Abante Tonite Interactive

55 tulak, wanted, pasaway nalambat sa Bulacan

334

Umabot sa 55 katao ang nasakote sa magkakahiwalay na police operation sa loob ng isang araw habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Bulacan kamakalawa.

Base sa report kay Bulacan provincial police acting director Col. Lawrence Cajipe, nakakulong ngayon ang 11 drug suspek na nalambat sa serye ng buy-bust operation sa Bocaue, San Rafael, at San Jose del Monte City.

Nasa 30 pakete ng shabu ang nasamsam at nabawi rin ang buy-bust money, ayon pa sa ulat.

Tatlong wanted person naman ang nasakote sa manhunt operation sa San Jose del Monte City at San Rafael.

Nakilala ang mga naaresto na sina Nida Malllari, 50, may kasong serious oral defamation; Rolando Advincula y Lazaro, 49, kinasuhan ng physical injuries; at Arnel Francisco, 45, na inasunto ng estafa.

Nasakote naman ang 20 pasaway na sugarol sa San Ildefonso, Meycauayan City, at Angat nang mahuli ang mga ito sa aktong nagtutupada, tong-its at cara y cruz. Narekober din sa kanila ang mga illegal gambling paraphernalia at bet money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong illegal gambling at paglabag sa pinaiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Samantala, 21 mangingisda ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Paombong Police, Special Operation Group ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) at Bantay Dagat habang nagsasagawa ng illegal fishing sa coastal area ng Brgy. Sta. Cruz sa baya ng Paombong kamakalawa.

Nakorner ang mga pasaway na mangingisda habang lulan ng tatlong malalaking motorized banca at gumagamit ng motorized net (troll). Narekober sa kanila ang 35 batya na naglalaman ng iba’t ibang uri ng isda na nagkakahalaga ng P15,000. (Jun Borlongan)

Tonite – Wendys Inhouse Ad