Abante Tonite Interactive

55M pekeng yosi, kalakal nasamsam sa Tondo

By
1,385

Tinatayang nasa P55 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at iba pang mga pekeng kalakal ang nasamsam ng mga operatiba ng Bureau of Customs-Enforcement and Security Service (BOC-ESS) sa isang bodega sa Tondo, Maynila.

Pinangunahan ni BOC Commissioner Isidro Lapeña ang pagsalakay sa bodega na matatagpuan sa No. 1515 Antonio Rivera St., Tondo matapos umanong makatanggap ng impormasyon mula sa brand owner na may mga nakaimbak na pekeng sigarilyo, mga cellphone accessory at charger, at mga makina na ginagamit sa paggawa ng DVD sa naturang lugar.

Pagkatanggap sa ulat, agad naglabas ng Letter of Authority upang ma-imbestigahan at masiyasat ang naturang bodega kasabay ng koordinasyon sa lokal na pulisya, mga opisyal ng barangay at kinatawan ng brand owner.

Nakita sa loob ng bodega ang tinatayang 120 kahon ng mga pekeng sigarilyo, tatlong makina sa paggawa ng DVD, 300 kahon pa ng mga blangkong DVD at iba’t ibang klase ng mga cellphone accessory at charger.

Ayon sa BOC-ESS, ang tatlong makina sa paggawa ng DVD ay tinatayang may market value na humigit-kumulang sa P45 milyon habang nasa P10 milyon naman ang halaga ng mga pekeng sigarilyo at iba pang nakumpiska sa bodega.

Kabilang umano sa mga sigarilyong nasamsam ay mga pekeng Marlboro, Jackpot, More, Belmont, Fortune at Two Moon.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng BOC-ESS, pag-aari umano ang bodega ng isang Sonny Kho at Tito Yao. Wala ang mga may-ari nang isagawa ang pagsalakay maliban lamang sa administrator ng bodega na si Reggy Tan.

Nabatid na tatlong araw umanong nagsagawa ng surveillance ang BOC-ESS bago sinalakay ang natu­rang bodega.