Abante Tonite Interactive

56 bilang bagong retirement age

446

Related Posts
Ilang taon nang iminumungkahi ng pahayagang ito sa pamamagitan ng editoryal ang pagpapababa sa retirement age o pension age ng mga empleyado.
Noong Huwebes ay bumukas ang pinto ng pag-asa nang ipasa ng House committee on government enterprises & privatization ang panukalang amiyendahan ang Republic Act 8291.
Kilala bilang GSIS Act of 1997 ang batas na ito. Ang ipinasang panukala ng komite ay isang substitute bill na naglalayong ibaba sa edad na 56 ang “optional retirement age” mula sa 60.
Pero para lamang ito sa government employees na mi­yembro ng Government Service Insurance System (GSIS).
Partikular sa inaamiyendahan ng substitute bill – konsolidasyon ng siyam na magkakatulad na panukalang batas – ay ang Section 13-A ng RA 8291.
Paliwanag ng mga may-akda ng substitute bill na ang pinaagang optional retirement age ay beneficial kapwa sa empleyado at gobyerno.
Ang mga empleyado at kanilang pamilya ay mabibigyan ng mas mahabang panahon na mapakinabangan at ma-enjoy ang mga benepisyo ng pagreretiro habang malakas pa ang pangangatawan.
Ang gobyerno naman sa kabilang banda ay mapapaaga rin ang pagkuha ng mga “young blood” sa burukrasya. Makakatulong din ito sa lumalaking unemployment rate sa hanay ng mga bagong graduate.
Napakagandang balita nito para sa mga government employees oras na maging ganap na batas.
Pero pa’no naman ang mga empleyado sa private sector? Sana ay ibaba rin ang kanilang retirement age at nang mapaaga ang SSS pension.