Abante Tonite Interactive

59.6B pensyon ng GSIS tagilid sa tinayaang negosyo

By
2,416

Nabunyag sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) na inilagay sa panganib ng Government Service Insurance System (GSIS) ang pondo nito para sa pensiyon ng kanilang mga mi­yembro matapos magla­gak ng P59.688 bilyong halaga ng investment sa isang grupo ng mga magkakapatid na kompanya noong 2017.

Binigyang-diin ng COA sa 2017 Annual Audit Report nito, na mataas ng .63 percentage points o katumbas ng P6.73 bil­yon ang pinasok na investment ng GSIS na lampas sa 5 percent limit para sa ‘single business group’.

Sinabi ng COA na sa­lungat ang ginawa ng pamunuan ni GSIS President at General Manager Jesus Clint O. Aranas sa itinatakda ng Investment Policy Guideline (IPG) na hindi dapat humigit ng 5 porsiyento ang kabuuang puhunan sa ‘single group of sister companies/subsidiaries’.

Gayunman, hindi binanggit sa audit report kung anong grupo ng mga kompanya nagpasok ng investment ang GSIS mula sa pondo nito para sa pensiyon ng kanilang mga miyembro.

Babala ng COA, mapanganib ang ginawa ng GSIS kapag nabigo ang pinasok nitong investment sa iisang grupo lang ng kompanya.

Kinumpirma ng GSIS na lumampas sila sa 5 percent limit kaugnay sa pinasok na investment sa hindi pinangalanang grupo ng mga kompanya pero dinepensahan nito ang kanilang ginawa na inaprubahan naman umano ng GSIS board.

Pero lumalabas sa audit report ng COA na noon pang Nobyembr­e 2017 lumampas sa 5 percent limit ang GSIS. Noong Marso at Mayo 2018 lang umano inaprubahan ng GSIS board ang naturang investment.