Abante Tonite
Mabilis sa Balita

5K COVID case, record high sa 2021

0 304

Itinuturing na pinakamataas ngayong 2021 ang 5,000 bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa na naitala nitong Sabado, Marso 13.

Dahil dito, umakyat sa 616,611 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Base pa sa COVID-19 Case Bulletin No. 364 ng DOH, 281 ang bagong gumaling kaya nasa 547,166 na ang kabuuang nakarekober sa virus infection.

Nakapagtala naman ng 72 bagong namatay dahilan para umabot na sa kabuuang 12,766 ang pumanaw dahil sa coronavirus sa bansa.

Lumobo naman sa 56,679 ang kabuuang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas, base pa sa datos ng DOH.

Samantala, muling nagbabala ang OCTA Research group na posibleng umakyat pa sa 7,000 kada araw ang maitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng katapusan ng Marso.

Sinabi ito ni Dr. Guido David sa isang panayam sa radyo nitong Sabado kung saan inihayag na ngayong nangangalahati pa lang ang Marso ay nakapagtala na ng 5,000 kaso sa loob ng isang araw sa buong Pilipinas.

“Ibig sabihin mas mabilis `yong pagtaas kaysa sa inaakala natin. `Yong reproduction number nga nasa mga 2 na, eh, almost 2 na… ibig sabihin mas malala pa ito kaysa sa ating projections,” babala pa ni David.

Posible aniyang dahilan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ay ang pagkakaroon ng mga variant nito sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.