Abante Tonite Interactive

6-anyos nabagsakan ng sanga sa eskuwela, patay

426

Labis ang pagdadalamhati ngayon ng pamilya ng 6-anyos na batang babae na nasawi matapos mabagsakan ng sanga ng punong narra sa loob ng kanilang paaralan sa Himamaylan, Negros Occidental noong Biyernes.

Hindi na nakauwi nang buhay sa kanilang bahay ang biktimang si Fei Francine Limsiaco na nagkataong kaarawan pala nito ng araw na mangyari ang trahedya.

Nalaman na lang umano ng mga magulang ng biktima na dinala ito sa ospital matapos mabagsakan ng sanga ng narra habang nakikipaglaro sa loob ng Talaban Elementary School dahil hinihintay pa ang kanyang sundo.

Paliwanag ng principal na hindi umano nila inakalang mahuhulog ang sanga kaya maituturing na aksidente ang nangyari.

Naniniwala naman ang lola ng biktima na mayroong pananagutan ang eskuwelahan dahil naiwasan sana ang insidente kung pinaputol na ang sanga ng punong narra bago pa nagsimula ang pasukan.