Abante Tonite Interactive

6 bodyguard ng mayoralty bet dinampot sa panunutok ng baril

344

Anim na kalalakihan na diumano’y mga miyembro ng security group ng isang kandidato sa pagka-alkalde ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pagdadala at panunutok ng baril sa Biñan City, Laguna noong Lunes nang gabi.

Kinilala ang mga ito na sina Eduar­do Pontillas, 54-anyos, retiradong army; Ruben Afable, 44; Edgine Olcepido, 37; Arnel Pamittan, 42; Antonio Austria at si Aven Pabit, 44, aktibong miyembro ng Philippine Army.

Ang mga suspek umano ay mga security aide ng kandidatong mayor na si Biñan City Councilor Donna Yatco, na pinamumunuan ng isang Col. Rey Liwag.

Batay sa report ng Laguna police, dakong alas-6:30 nang gabi, sakay ng isang van nang sumugod ang mga naaresto sa Pagkakaisa Elementary School sa Barangay San Antonio at tinutukan at tinakot umano ang mga botante na supporter ng kalabang kandidato ni Yatco na si incumbent Mayor Arman Dimaguila.

Narekober sa mga ito ang anim na iba’t ibang kalibre ng baril.

Nasa kostudiya ng Biñan Police ang mga suspek at sasampahan ng kaso.
Habang isinusulat ito ay wala pang pahayag si Yatco kaugnay sa isyu. (Ronilo Dagos)