Abante Tonite Interactive

6 buwan na suspension order kay Olongapo Mayor Paulino, naisilbi na

By
315

Naihain na ang suspension order ng tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kampo ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino, Vice Mayor Jong Cortez at sa mga konsehales na sina Eduardo Guerrero, Winnie Ortiz, Edna Elane, Ellen Dabu, Benjamin Gregorio Cajudo, Noel Atienza, Randy Sionzon, Egmidio Gonzales at Emerito Linus Bacay kahapon ng hapon.

Ang suspension order ay kasunod ng pagkabigo ng kampo ni Paulino na makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Court of Appeals (CA).

Anim na buwan ang kakaharapin na suspensyon ng mga nabanggit na opisyales para sa kasong simple misconduct na isinampa ng isang ­Rodalyn Hanif sa tanggapan ng Ombudsman habang na na-dismiss naman ang iba pang kaso laban sa kampo ng alkalde.

Noong araw ng Biyernes ay nauna nang nasuspende ang apat na department head na sina City planning Tony Kar Balde, City Accountant Cristiflor Buduhan, City Administrator Mamerto Malabute at City Budget chief Joy Cahilig.

Ang naturang kaso ay nag-ugat sa maling ­procedure ng pag-a-award sa lote na nasa Marikit Park na pagtatayuan sa proyekto ng SM Prime Holdings.