Abante Tonite Interactive

6 foreigner nahawa ng virus sa ‘Pinas

435

May anim umanong dayuhan na bumiyahe sa Pi­lipinas ang nagposi­tibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nang bumalik sa kanilang bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang anim na dayuhan ay kinabibilangan ng 2 ­Japanese, 1 Taiwanese, 1 Australian, 1 Singaporean at 1 South Korean.

Ayon sa New South Wales government, ang ­babaeng Australian ay naging positibo sa ­virus matapos bumisita sa ­Pilipinas.

Habang sinabi naman ng Taiwan Centers for Di­sease Control na isang la­laking Taiwanese na bumiyahe sa Pilipinas kasama ang kanyang mga kaibi­gan mula Pebrereo 28 hanggang Marso 3 ay kinumpirmang may virus, habang ang Japanese na kinakitaan ng sintomas ay nagpositibo rin sa virus.

Ang Australian ay naka-home quarantine, ­habang ang Taiwanese ay nagkaroon ng contact sa patient No. 7 na nagpositibo sa virus at kabilang sa 33 ­COVID-19 positive.

Ang 2 Japanese national ay ini-admit sa ospital matapos na manatili nang pitong araw sa Pilipinas, habang ang Singaporean ay nanatili naman nang tatlong araw sa Pilipinas.

Habang dalawang buwan namang nanatili sa ­Pilipinas ang Korean national.
Sinabi ni Duque na hindi naman nakakasorpresa ang naturang development dahil may travel ban na noon sa China, Macau at Hong Kong at na-delay ang transmission sa bansa ng mga buwan.

“We were one of the first countries that implement travel restrictions on China, Macau and Hong Kong. It delayed entry of the pandemic for a month, and by our computation, you can only delay its entry for two months at the most,” ani Duque.

“Sa atin, isang buwan, until March 5 ­[happened],” dagdag ni Duque. (Juliet de Loza-Cudia/Eralyn Prado)

Tonite – Wendys Inhouse Ad