Abante Tonite Interactive

6 nadale sa baha sa Region 2

240

Apat katao ang naitalang patay habang dalawa ang nawawala dahil sa naganap na malawakang pagbaha at landslide sa buong Region 2, ayon sa Philippine Army (PA).

Ayon kay PA Major General Pablo Lorenzo, commander ng 5th Infantry Division, pawang pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

Sinabi ni Lorenzo na sinuong ng isa sa mga hindi pa nakikilalang biktima ang malalim na baha sa bayan ng Tumauini, Isabela dahil hinabol ‘di umano niya ang kanyang flight papuntang Maynila.

Isa din ang naiulat na napatay sa Luna, Apayao at isa sa Ilagan City, Isabela nang tangkaing suungin ang rumaragasang baha.

Namatay naman ang isa pang biktima mula sa Pamplona, Cagayan nang mahulog sa malalim na bahagi ng baha nang atakihin ng kanyang sakit na epilepsy.
Bukod dito, dalawang katao naman ang naitalang nawawala sa Luna Apayao at Tumauini, Isabela sanhi rin ng baha.

Hanggang ngayon, ayon kay Lorenzo ay patuloy na pinaghaha­nap ang dalawang biktima. (Allan Bergonia)