Abante Tonite
Mabilis sa Balita

6 NPO exec kulong sa korapsyon

0 104

Hinatulan ng Sandiganbayan 3rd Division ang procurement chief ng National Printing Office at limang iba pang opisyal ng ahensya ng pagkabilanggo sa loob ng anim hanggang 10 taon at habambuhay nang disqualified na humawak ng puwesto sa gobyerno.

Ito’y kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanila hinggil sa pagsasabwatan umano para mapanalo ang Advance Computer Forms Inc. sa supply ng 1,000 kahon ng clearance certificate ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagkakahalaga ng P1.9 milyon o P1,900 kada kahon noong 2010.

Inilabas ng Sandiganbayan ang desisyon noong Biyernes, Setyembre 25, 2020. Nilagdaan ito nina 3rd Division chairperson Presiding Justice Amparo M. Cabotaje-Tang, Associate Justice Bernelito R. Fernandez at Associate Justice Ronald B. Moreno.

Kabilang sa mga hinatulan ay sina NPO-public officers: Emmanuel Cedro Andaya, director at procurement head; Atty. Sylvia Crisostomo Banda, chief administrative officer at Bids and Awards Committee (BAC) chairperson; Josefina San Pedro Samson, printing operations chief at BAC member; Antonio Villaroman Sillona, printing operations chief at BAC member; Bernadette Tecson Lagumen, supervising administrative officer at BAC member; at Zita Maria Gracia de Leon Enriquez, printing operations assistant chief at BAC member.

Mayo 2016 nagkaroon ng determination ng probable cause at inisyuhan ng warrant of arrest at hold departure order sina Andaya, Banda, Samson, Sillona, Enriquez, at Lagumen. Binasahan sila ng sakdal noong Enero 2017 at itinanggi nila ang akusasyon.

Hindi katanggap-tanggap sa Sandiganbayan ang dahilan ng mga opisyal ng NPO na kinailangan nilang magsagawa ng emergency procurement dahil pinapayagan lang ito kung may kalamidad at kailangan itong gawin kung nanganganib ang buhay ng mga tao o magdudulot ito ng pinsala.

Wala umanong emergency na maituturing noong panahong nagsagawa ng emergency procurement sina Andaya, Banda, Enriquez Samson, Sillona at Lagumen.

Pinuna ni Cabotaje-Tan ang kapabayaan ng anim dahil sa hayagang iregularidad na nangyari sa procurement, partikular na ang kawalan ng office address at patunay na natanggap ng dalawa pang ibang bidder ang imbitasyon ng BAC.

Dagdag pa niya, kapansin-pansin din na halos magkakapareho na lamang ang iniulat na bid ng BAC. Ang bid ng Advance Computer Forms Inc. ay mas mura lamang ng dalawang sentimo per box kaysa sa JI Printers Inc. at tatlong sentimo lang kaysa sa Metrocolor Corp.

“They grossly disregarded the law and were remiss in their duties in strictly observing the directives of RA 9184, which resulted in undue benefits,” sabi ni Cabotaje-Tan. “Such gross disregard of the law is so blatant and palpable that the same amounts to a willful intent to subvert the clear policy of the law for transparency and accountability in government contracts.”

Anila, sapat na itong dahilan para sipain na ang anim sa trabaho. Bukod sa pagkatanggal sa trabaho, kulong, at permanent disqualification sa public office, wala na silang matatanggap na retirement o gratuity benefits, saad pa sa desisyon ng Sandiganbayan. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.