Abante Tonite Interactive

6 patay sa wagas na pag-ibig na nilukuban ng panibugho

PART 2

By
1,392

May mga pagkakataon pa nga na mismong si Alberto pa ang nakakatulong sa kanyang bayaw na si Joel at sa asawa nitong si Emelyn kapag kinakapos ang mag-asawa, maging­ sa pinansiyal o mga kinakailangang gamit para sa personal na pangangailangan,
Ang kabutihang loob na ipinamamalas ni ­Alberto sa kanyang bayaw na si Joel at bilas na si Emelyn ay hindi naman binigyan ng masamang kahulugan ng kanyang asawang si Thelma dahil bukod sa mahal siya at kanilang anak na babae, batid niya na sadyang matulu­ngin naman ang asawa maging sa iba pa nilang kaibigan.

Habang tumatagal, hindi naman nagbabago sa kanyang pagpapamalas ng kagandahang loob si Alberto kaya’t nang lumaon ay naging magaan din ang loob sa kanya ni Emelyn.

May mga pagkakataon na kapag nakapag­luto ng masarap na ulam ang 30-anyos na si Emelyn, hindi niya nakakaligtaang bigyan ang pamilya ni Alberto lalo na kapag ginagabi ng uwi ang lalaki mula sa pamamasada ng tricycle.

Ang kagandahang loob na ipinamamalas ni Alberto na sinusuklian naman ng pagiging­ magiliw ni Emelyn sa bilas ang nagsilbing daan upang unti-unting mahulog ang kanilang loob sa isa’t isa ng lingid sa kaalaman ng kani-kanilang asawa.

May mga pagkakataon kasi na ang mga matatamis na ngiti ni Emelyn kay Alberto ay sapat na upang lukubin ng kataksilan ang kanyang isipan bagama’t noong una ay isinasa-a­lang-alang pa rin niya ang pagiging mag-bilas nila ng babae at pagiging mag-bayaw nila ng asawa nito.

Sa kabila ng kanyang pagsasaalang-alang sa relasyon bilang magkapatid ang kanyang asawang si Thelma sa mister ni Emelyn na si Joel, nangibabaw pa rin sa isipan ni Alberto ang tawag ng laman lalo na’t madalas ay nagpapa­kita na rin naman ng motibo sa pamamagitan ng labis na pagiging magiliw sa kanya ang babae.

Bukod dito, natuto na rin palang gumamit ng iligal na droga si Alberto dahil ito ang nakita niyang paraan upang makatagal siya sa puyat lalo na kung ginagabi siya sa paghahanap-buhay.

Dumating ang araw na natagpuan na lamang­ nina Alberto at Emelyn na nagmamahal na sila sa isa’t isa hanggang kapwa na rin sila madarang sa tawag ng tukso at parehong may pananabik na nilasap ang ligaya sa pamamagitan ng pag-iisa ng kanilang katawan.

Dahil kapwa may iniingatang dangal bukod­ pa sa pagiging mag-bilas, una’y naging ma-ingat­ sina Alberto at Emelyn sa kanilang bawal na relasyon upang hindi matuklasan ng kani-kanilang asawa at anak na babae nila ni Thelma ang ginagawa nilang kataksilan.

Ang madalang na pagniniig upang hindi mahalata ng kani-kanilang asawa ang pagkakaroon nila ng relasyon ang lalo pang nagpa-igting sa kanilang pananabik sa isa’t isa.