Abante Tonite Interactive

6 patay sa wagas na pag-ibig na nilukuban ng panibugho

Part 8

By
440

Rumesponde na rin ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Special Reaction Unit (SRU) at Southern Police District (SPD) upang magbigay ayuda sa mga tauhan ng Pa­say City Police na ­unang nakapagresponde sa lugar.

Makaraan ang mahigit isang oras, duma­ting na rin ang noon ay hepe ng NCRPO na si Police Director Oscar Albayalde, kasama si SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario upang magbigay ng kaukulang direktiba sa mga tauhan ng SWAT at gumabay sa mga nahihintakutang mga tenant ng condominium.

Sinimulang pag-aralan ng mga tauhan ng SWAT team at Special Reaction Unit (SRU) ang sitwasyon, pati na ang pagrerebisa sa kuha ng CCTV sa kabuuan ng gusali upang matunton kung nasaan ang salarin at iba pang posibleng naging biktima ng pamamaslang.

Mula sa ground floor ng gusali hanggang sa mga susunod pang mga palapag ay puspusan at madaliang sinuyod ng kapulisan ang pasilyo, hagdanan at bawat silid ng gusali upang tuntunin kung saan nagtatago ang salarin at kung may iba pa siyang naging biktima.

Pasado alas-otso nang gabi nang marating naman ni Alberto ang ika-23-palapag ng gusali at isa-isang sinilip kung may mga naninira­han pa sa bawat silid subalit nang matiyak na bakante at walang supply ng kuryente sa bawat silid, ikinulong niya ang sarili sa isang silid lalo na’t hindi na rin lingid sa kanyang kaalaman ang pagdating ng awtoridad.

Nang tuluyan na siyang mapag-isa, dito na naisip ni Alberto ang inabandona niyang pamil­ya para lamang makisama sa babaeng pinag-ukulan niya ng labis na pagmamahal na kalaunan ay magsisilbi pa lang lason sa kanyang puso at isipan.

Ilang oras pa ang nakalipas nang ipasiya ni Alberto na magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng text sa kanyang anak na babae at dito niya ipinagtapat na napatay niya si Emelyn dahil bukod sa kanya ay may ibang lalaki umano itong kinahuhumalingan.

Nang matanggap ng anak na babae ni Alberto ang kanyang mensahe, labis na nabahala ang dalagita kaya’t siya na mismo ang tumawag sa ama upang alamin ang mga tunay na pangyayari.

Inilagay ng dalagita sa speaker phone ang kanyang cellphone upang marinig din ng kanyang inang si Thelma ang pag-uusap nilang mag-ama.

Habang nag-uusap ang mag-ama, sinabi ni Alberto na nararamdaman niyang malapit na siyang mahuli ng mga pulis at tiyak na papatayin siya ng mga ito.

Tinanong ni Thelma ang asawa kung bakit niya pinatay Emilyn at sinagot siya ng lalaki na labis na panibugho ang nagtulak sa kanya matapos niyang mahuling may kausap na ibang lalaki sa kanyang cellphone.