Abante Tonite Interactive

6 patay sa wagas na pag-ibig na nilukuban ng panibugho

PART 1

By
677

Paano nga ba nasusukat ang isang wagas na pagmamahal na puwedeng mai-alay ng isang lalaki o ng isang babae sa kanyang nais na makasama sa habambuhay kung sa dakong huli’y matutuklasan lang na hindi pala karapat-dapat pag-ala­yan ng tunay na pag-ibig ang isa sa kanila?

Sa dalawang taong nagsimulang umusbong ang pagmamahalan, karaniwang ng nangyayari na humahantong lang sa tuluyang paghihiwalay ang kanilang pagsasama kapag natuklasan ng isa na hindi naging matapat ang kapareha, lalo na kung ang lalaki ang gumawa ng kataksilan..

Higit kasing marupok at madaling madarang sa tukso ang isang lalaki kumpara sa mga babae kaya’t mas malaki ang posibilidad na humahantong ang kanilang pagsasama sa tuluyang paghihiwalay.

Subalit iba ang sitwasyon kung ang babae ang mahuhuli ng lalaki na gumagawa ng kataksilan sa kabila ng pagkakaloob sa kanya ng buong pusong pagmamahal dahil karaniwan ay humahantong lang ito sa malagim na trahedya.

Kadalasan ng nangyayari na nakakagawa ng marahas na hakbang ang isang lalaking nakakahuli sa kataksilan ng babaeng kanyang pinagukulan ng labis na pagmamahal sa halip na humantong lamang ito sa kanilang pag-hihiwalay.

Pinakasukdulan pa rito ay kung tuluyan pang mapatay ng lalaki ang kanyang asawa o kalive-in sa oras na mabisto niyang gumagawa ng kataksilan ang babae sa kabila ng pag-aalay niya ng wagas ng pag-ibig.

Isang halimbawa rito ang naganap na trahedya sa isang condominium sa lungsod ng Pasay na hindi lamang ikinasawi ng isang babae kundi ng lima pa katao, kabilang na rito ang lalaking may kagagawan ng pagpaslang, ang 12-taong gulang na batang babae at ang bete­ranong mamamahayag na pawang nadamay lamang sa ginawang paga-amok ng salarin.

Bukod sa mga nasawi, apat na katao pa ang malubhang nasugatan matapos silang undayan ng saksak ng lalaking nawala na ng tuluyan sa sariling katinuan bago siya tuluyang napatay ng mga nagrespondeng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng kapulisan.

Bago nangyari ang malagim na trahedya, tahimik na namumuhay sa kanilang lalawigan sa bayan ng Baggao, Lambak ng Cagayan ang mag-asawang Alberto at Thelma Garan, kasama ang kanilang anak na babae, habang sa kalapit na tirahan naman ang kapatid ni Thelma na si Joel Tolosig at asawa nitong si Emelyn Sagun.

Kahit papaano ay sapat naman ang kita ng 39-anyos na si Alberto sa pamamasada ng tricycle kaya’t hindi gaanong naging mabigat na problema sa mag-asawa at anak na babae ang pangangailangang pinansiyal lalu na’t dinarayo rin naman ng maraming lokal at dayuhang tu­rista ang kanilang bayan dahil sa dami ng mga magagandang tanawin at likas na yaman.