Abante Tonite Interactive

6 pulis-Cagayan sinailalim sa quarantine

461

Anim na pulis sa Piat, Cagayan kasama ang kanilang hepe ang isinailalim sa quarantine matapos makasalamuha ang alkalde ng bayan na nagpositibo subalit gumaling kalaunan sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Cagayan Provincial Police Office regional director Brig. Gen. Angelito Casimiro, naka-isolate at patuloy na mino-monitor sa Police Regional Health Service II hospital ang 48-anyos na police chief.

Sa Philippine National Police (PNP) training facility na ginawang quarantine area naman ang tatlong lalaki at dalawang babaeng pulis.

Sinabi ni Casimiro na hindi pumayag ang Cagayan Valley Medical Center na makuhanan ng swab test ang hepe dahil sa asymptomatic o wala itong sintomas ng COVID-19 at lagpas na sa 14 na araw para i-quarantine.

Nabatid na Marso 21 pa nang magkaroon ng direct contact ang police chief kay Mayor Carmelo Villacete na gumaling naman sa sakit,

Upang makasiguro, ayon kay Casimiro, isinailalim pa rin ang naturang hepe sa COVID-19 test gamit ang rapid testing kit at nakitaan umano ito ng anti-bodies na pino-produce ng katawan upang labanan ang virus.

Inirekomenda na isailalim sa quarantine ang mga nabanggit na pulis para masiguro ang kaligtasan ng bawat PNP personnel laban sa COVID-19.

Ayon kay Casimiro, nanatiling nasa maaayos na kalagayan ang mga pulis at inaalagan sila ng mga nakatalagang nurse at doktor.

Patuloy naman umano ngayon ang isinasagawang contact tracing sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Cagayan sa iba pang mga posibleng nakasalamuha ng mga pulis.

Tonite – Wendys Inhouse Ad