Abante Tonite Interactive

6 sasakyan inararo ng trak sa Taguig, 8-katao nadale

0 229

Dalawa-katao ang nasawi habang anim ang sugatan matapos araruhin ng ten wheeler­ truck ang anim na sasakyan kahapon nang umaga sa Taguig City.

Kinilala ni P/Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police ang nasawi na sina Danilo Pedroso Jr. at Gerald Iann Hernandez, isang fire officer, kapwa nasa hustong gulang – isang nagmomotorsiklo at nagbibisekleta.

Nakaratay naman ngayon sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang sina Ronald Ortega; Christopher Auino; Aldren Ano; Jaime Ocfemia; Rogelio Salina at Cristel Castro sanhi ng tinamong mga sugat sa katawan.

Samantala ay nasa kustodiya naman ng Taguig City Traffic Bureau ang driver ng 10-wheeler na si Roman Marinas, 29, nakatira sa Burak, Pampanga.

Ayon kay Santos, naganap ang insidente, alas-5:45 nang umaga sa harap ng Lakeshore, C-6 Road Brgy. Lower Bicutan.

Minamaneho ni Roman ang Isuzu Aluminum ten wheeler truck, model 2016, na may temporary plate number 130101, na punong-puno ng buhangin mula sa Pampanga. Pahinante naman ni Roman ang kaanak nitong si Ronny Marinas, 19, at Julius Vallinan, 31, kapwa tubong-Pangasinan.

Sa pahayag ng driver,­ nawalan siya ng preno dahilan upang araruhin nito ang anim na sasakyan na kinabibila­ngan ng dalawang jeep, 1 motorsiklo, 1 kotse at 2 bisekleta.

Sinabi pa ni Santos na bago pa maganap ang aksidente ay nahuli na ang driver ng natu­rang truck dahil sa traffic violation.

Sa sobrang bigat naman ng kargang buhangin at pababa ang lugar ay hindi na nakontrol ng driver ang truck at nasalpok na nito ang anim na sasakyan. ­(Armida Rico)