Abante Tonite
Mabilis sa Balita

6 swak sa Bulacan, P1.4M shabu narekober

0 232

Anim na hinihinalang drug dealer ang nadakip at mahigit P1.4 milyong piso na halaga ng shabu ang nakumpiska umano sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Barangay Muzon, SJDM City at Barangay Mojon, Malolos City, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ng Bulacan police ang mga naarestong sina Dennis Perez, Irene Torda, Ronald Buentipo at David Martin na pawang nakorner sa Barangay Muzon, at Pete Paul Javier at Dan Anthony Dimagiba na magkasamang nangungupahan at nadakip sa Barangay Mojon.

Nabatid sa SJDM City Police na narekober umano sa apat ang 14 pakete ng shabu na may kabuuang timbang na 205 gramo at may tantyang halaga na P1,394,000.

Samantala, alas-11:30 kamakalawa ng gabi nang maglatag din ng buy-bust ang Bulacan PIU sa Maunlad Homes sakop ng Barangay Mojon. Narekober umano kina Javier at Dimagiba ang 14 pakete ng shabu na may timbang na 2 gramo at nagkakahalagang P13,600.

Nakakulong ngayon ang anim na suspek at inihahanda na ang kasong kriminal na isasampa laban sa kanila. (Jun Borlongan)

Leave A Reply

Your email address will not be published.