Abante Tonite Interactive

60 nalambat ng DTI sa hoarding, overpricing

564

Nasa 60 katao na ang naaresto ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa hoarding at overpricing habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang buong Luzon.

Ito ang sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez sa Laging Handa Public Briefing kahapon, Miyerkoles.

“Mayroon na po tayong 60 katao na nahuli dahil sa pagho-hoard ng mga importanteng kagamitan at mga krusyal sa pangagailangan ng bansa natin at hindi po kami mangingimi muli na hulihin, kakasuhan at kukumpiskahin ang lahat ng mga importanteng produkto na hindi maayos na ibinibenta,” sabi ni Lopez.

Sinabi ni Lopez na kanilang pupuntahan lahat ng ire-report sa kanila na mga nagtatago o naniningil ng mas mataas sa orihinal na presyo na nagsasamantala sa kasalkuyang situwasyon para panagutin sa paglabag sa mga ipinatutupad na kautusan.

“Ipinapaalam po natin na basta may mag-report po sa amin na nagsasamantala sa situwasyon na ito ay agad namin na pupuntahan, maging mga warehouse man iyan o anumang lugar na pagtataguan ng mga importanteng produkto para masampahan kayo ng kaso,” babala pa ni Lopez.

Pinaalala pa nito sa publiko na pinapatupad ang price freeze o pagbabawal sa pagtataa ng presyo ng mga bilihin sa panahong may state of calamity.

Hangad din anya ng DTI na mapabilis ang proseso sa mga kaso ng mga nakumpiskang produkto lalo na ang mga medical supply para magamit na lamang ang mga ito sa mga nangangailangan na ospital. (Lito Oredo)

Tonite – Wendys Inhouse Ad