Abante Tonite Interactive

617 preso sa Maynila pinalaya sa ‘kamangmangan’

754

Bagong buhay ang naghihintay sa 617 preso sa Maynila kasunod ng pagtatapos ng mga ito ng iba’t ibang antas at kurso habang nakapiit dahil sa magkakaibang kasong kinasangkutan.

Bilang chairman ng Peace and Order Council, ikinalugod ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang pagtatapos ng mga bilanggo sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) and Informal Education na programa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), TESDA, Department of Education (DepEd) at ng lokal na pamahalaan.

“Ang pagtatapos ay hudyat ng paglaya ng mga bilanggo na ito sa rehas ng kamangma­ngan. Mas malawak na ang kanilang kaalaman at mas pakikinaba­ngan sila ng lipunan sa kanilang paglabas,” sabi pa ni Mayor Erap.

Sa kabuuan ng mga nagtapos na bilanggo, 114 sa mga ito ay naka-graduate sa elementarya, 35 sa sekondarya at 158 naman ay mga skilled training mula sa TESDA.

Ang graduation nitong nakaraang linggo ay dinaluhan ni City Administrator Ericson “Jojo” Alcovendaz, Jail Superintendent Dennis Rocamora at mga kinatawan ng DepEd.

Ayon kay Mayor Erap, ang proyektong ito ay patunay na posibleng mabago ng pamahalaan ang pagkatao ng mga bilango kahit ano pa ang kanilang naging kaso.

Pinasalamatan din ng alkalde ang mga nakatuwang ng city government sa paghuhulma ng katauhan ng mga bilanggo, kabilang na ang jail officials, mga taga-DepEd at TESDA trainors.