Abante Tonite Interactive

63 girian sa 12 upuan

By
0 132

Aarangkada na ang kampanya ng mga kandidato sa pagka-senador ngayong Martes, Pebrero 12.Kabuuang 63 kandidato ang pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) na tumakbo para pag-agawan ang 12 upuan sa Senado.

Sa bilang na ito, 51 ang uuwing luhaan habang 12 lang ang magbubunyi kapag nabilang na ang boto pagkatapos ng halalan sa Mayo 13. Ilan sa mga kandidato, tumatakbo na lang para makalikom ng campaign funds kahit matalo. Ang iba naman, pinipilit manalo kahit kapos sa pondo.

Sa mga pre-election survey, nangunguna ang pangalan ni Senador Grace Poe, anak ng yumaong action king Fernando Poe Jr. Limang reelectionist ang pasok sa top 12 pero nangangamote naman sina Senador Bam Aquino at JV Ejercito at posibleng maging tambay pagkatapos ng halalan.

Limang balik-Senado naman ang namumurong manalo sa halalan at dalawang newcomer ang may pag-asa din na manalo. Kung sa basketball, bilog ang bola ika nga dahil marami pang puwedeng magbago mula sa simula ng kampanya ngayong Martes hanggang sa araw ng botohan.

Noong 2013 elections, nanggulat si Grace Poe matapos siyang maging topnotcher sa halalan. Noong 2016 elections naman, muntik nang masilat ng baguhang si Senador Joel Villa­nueva sa number one si Senador Franklin Drilon. Ngayong 2019 elections, umulit kaya si Poe bilang number one? May iba pa kayang kandidato na manorpresa at makapasok sa top 12?

Kasabay ng kampanya ng mga kandidato sa pagka-senador ay aarangkada rin ang kampanya sa party-list elections. Umaabot sa 134 party-list organization ang binigyan ng go-signal ng Comelec na lumahok sa halalan. Hindi katulad ng senatorial elections na maximum na 12 kandidato ang isusulat sa balota, isang party-list organization lang ang pipiliin sa 134 organisasyon.

Ilan sa mga sikat na party-list organization ang inaasa­hang babandera ulit sa dara­ting na halalan at kaka­big ng 2 hanggang 3 kinatawan sa Kamara. Inaasahan namang manonorpresa sa halalan ang Anakalusugan Party-list. Number one nominee dito si dating Sto. Teresita, Batangas Mayor Adorlito Ginete, habang number two nominee naman ang veteran politician na si Mike Defensor at number three si UP-Los Baños professor Emmanuel D. Andal.

Mula’t sila sa problemang pangkalusu­gan tulad na lamang ng problema sa measles outbreak. Ayon kay Defensor, nagkaroon dapat ng massive campaign sa bakuna laban sa tigdas. “1000 percent ang itinaas mula 300 plus to 3000 plus from 2017 to 2018,” ani Defensor.

Sila lamang ang bukod tanging party-list organization na ang adbokasya ay para sa personal health.