Abante Tonite Interactive

6,308 housing units para sa Yolanda victims sa Region 8, naipamahagi na

309

Naipamahagi na natin nitong Huwebes ang 6,308 housing units para sa mga biktima ng Yolanda sa Region 8 sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority, National Irrigation Administration at mga nakakasakop na pamahalaang local sa Eastern Visayas.

Naiintindihan po natin kung gaano katagal naghintay ang mga sinalanta ng bagyong Yolanda bago natapos ang mga pabahay na ito. Kaya bilang chairman ng IATF-Yolanda at pagtalima sa utos ng ating mahal na Pa­ngulo, mas pinabilis natin ang pagpapatayo at sinikap nating mas maagang maipamahagi ang mga ito sa nararapat na biktima ng nasabing delubyo upang kanila nang matirhan at mapakinangan.

Sa pinakahuling tala ng NHA, sa kabuuang bilang na 56,640 hou­sing units na itinatayo sa Region 8 ay nasa 32,988 units o katumbas ng 78.5% na ang tapos at may ginagawa pang 11,476 na mga bahay para sa nalalabi pang mga biktima ng bagyong Yolanda.

Sa ating pagdalo sa Thanksgiving Ceremony sa Carigara, Leyte ay nagsilbi tayong saksi sa paglalagda ng Memorandum of Agreement at Deed of Donation and Acceptance bago natin pangunahan ang pamamahagi ng mga housing units sa mga benepisyaryo mula sa mga bayan ng Inopacan, Baybay, Carigara at Burauen sa Leyte, gayundin sa mga bayan ng Almeria, Naval, Cabucgayan at Biliran sa probinsya ng Biliran para mayroon na silang masilungang bago at disaster-resilient na pamamahay.

Related Posts

Sa tulong ng ating mga local chief executives at regional agencies, alam natin na mas mapapabilis pa ang trabaho at makukuha natin ang 100% accomplishment rate sa lalong madaling panahon.

Alam din natin na hindi pa ganap na tapos ang obligasyon ng gobyerno sa kanila kaya nga tinitiyak din namin na may sapat na pasilidad sa mga housing projects. Hindi lang tayo nagtatayo ng bahay; tumutulong din tayo na ayusin ang buhay ng ating kababayan sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng tulong pangkabuhayan, mga kagamitan, mga pasilidad sa edukasyon sa pamamagitan ng Last Mile Schools ng Department of Education at iba pang makatutulong na programa sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Halos anim na taon na ang nakakaraan nang gimbalin ng Yolanda ang mga kababayan natin sa Region 8. Mistulang bangungot ito na ayaw na nilang maranasan kaya ang ating mga ginawang pabahay ay tiniyak nating matibay, malayo sa sakuna, tahimik at ligtas manirahan.

Nawa’y natuto na tayo at mas maging handa upang hindi na muling mangyari ang trahedyang sinapit natin noon. Nandito ang pamahalaan upang magbigay ng ayuda, ngunit ang aking panalangin: nawa’y hindi na natin maipamana ang trabaho ng Yolanda Rehabilitation. Tapusin na natin ito sa lalong mada­ling panahon upang makapagsimula na ta­yong harapin ang iba pang hamon sa pagpapabuti ng buhay ng ating mga kababayan.