Abante Tonite Interactive

65 rebelde sumuko sa Sorsogon

287

Dahil sa hirap ng buhay sa kabundukan at walang humpay na operasyon ng militar ay sumuko ang 65 rebelde sa bayan ng Castilla sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay General Fernando Trinidad, commander ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, sa 65 rebelde, 38 sa mga ito ay regular na miyembro ng New People’s Army (NPA), 25 naman ay miyembro ng local armed group na Sangay ng Partido sa Lokalidad habang ang dalawa ay miyembro ng Malisyang Bayan, pawang ng Komiteng Probinsya 3 ng Bicol Regional Party Committee.

Iba’t ibang matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog ang kusang loob na isinuko ng mga rebelde na kinabibilangan ng 6 na M16, 2 kalibre .45 baril, 2 carbines, mga improvised explosive device at iba pa.

Sa salaysay ng mga rebeldeng sumuko, hirap na sila sa pamumuhay sa kabundukan. Halos pagod at wala na silang makain kaya naisipan nang sumuko.
Ayon naman kay Col. Noe Alberto Penafiel, commanding officer ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army, agad namang ipinasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ang mga sumukong rebelde upang mabigyan ng kabuhayan gayundin ang housing assistance at bayad sa mga baril na kanilang isinuko para sa pagsisimula at bago nilang buhay. (Edwin Balasa)