Abante Tonite
Mabilis sa Balita

66-anyos pataas bawal lumabas pero puwede mag-Boracay – Malacañang

0 119

Tinabla ng Malacañang ang panawagan ng Senior Citizen party-list na isama ang mga may edad 70 sa mga maaaring payagang makalabas ng bahay.

Kasunod ito ng resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na pinapayagan nang lumabas ang mula edad 15 hanggang 65.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mataas ang bilang ng mga tinamataan ng COVID-19 na mga matatanda kaya hindi na dapat pang magpumilit ang mga lampas 65-anyos.

“Pinresent ko na iyong datos sa clinical fatality rate at lumalabas po talaga na napakataas ng fatality rate mula po sa 66 hanggang 80. Sila po talaga iyong namamatay dahil sa COVID-19,” ani Roque.

Pero kung gusto talaga aniyang lumabas ng mga lolo at lola para mabawasan ang pagkabagot, maaari silang pumasyal sa Boracay dahil walang itinatakdang edad ang mga puwedeng gumala sa isla.

“As a general rule, kailangan homeliners muna sila; although sa Boracay puwede silang magpunta kasi wala pong age restriction ang pagpunta sa Boracay,” dagdag ni Roque.

Nauna rito hiniling ni Senior Citizen Party-list Rep. Ompong Ordanes sa Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang mga matatandang edad 65 hanggang 70 sa mga payagang makalabas dahil dumaranas na umano ng depresyon ang karamihan sa kanilang sektor sanhi ng hindi makalabas ng bahay.

Nilinaw naman ni Roque na maaari namang lumabas ang mga senior citizen para bumili ng kanilang mga pangangailangan lalo na kung walang kasama o mautusan ang mga ito at solong namumuhay. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.