Abante Tonite Interactive

69th All-Star Game binuhay ni Kobe

400

Napanood ko ang isa sa pinaka-exciting na 69th NBA All-Star Game 2020 sa ilang taong nakalipas.

Kadalasan ay walang depensa o puro show time lang ang ginagawa sa isang All-Star Game.

Sino nga ba naman ang susugal sa isang exhibition game, na maaari pang makasira ng iyong career dahil sa posibleng injury na matamo?

Sa nangyari ngayong 2020 All-Star game, puro show time sa 1st to 3rd quarter.

Pagdating ng last quarter, at dahil na rin sa ibang format bilang tribute kay Black Mamba Kobe Bryant, lumabas ang tunay na kompetisyon at tila ang bawat manlalaro ay may taglay na Mamba Mentality.

Kita mo ang bantayan sa bawat ­koponan, kumukuha ng offensive foul na hindi mo madalas makita sa isang exhibition game.

Reklamo sa referee maya’t maya dahil sa hindi magustuhang tawag.

Nakailang butata rin ang team captain na si Giannis Antetokounmpo kay team skipper LeBron James.

Bumawi rin si James ng lock down defense kay Giannis.

Magandang tribute ito para kay Kobe dahil siya ay 9-time NBA-All Defensive First Team at 3-time NBA-All Defensive Second Team.

Mahusay sa lock down defense si Kobe at kilalang may killer instinct na ayaw magpatalo.

Maraming salamat, Kobe!
***
Congratulations pa rin kay Aaron ­Gordon, na hindi man nagkampeon sa NBA Slam Dunk contest, panalo naman siya sa people’s choice.

Marami ang umalma sa kanyang pagkatalo, at isa na ang inyong lingkod sa mga umapela.

Sa aking palagay ay siya dapat ang nagkampeon.

Sinasabi ng iba na taong 2016 ay siya rin dapat ang champion, at dalawang beses na itong na-rob sa dunk contest.

Para sa akin, ang 2016 ay para talaga kay Zach Lavine, dahil sa huling dunk sila nagkatalo sa iskor.

Pero ang nagdaang Slam Dunk contest ay isa rin ako sa nadismaya dahil sa naging resulta.

Ikaw pa rin ang kampeon, AG!
***
Kung kayo po ay may reaksiyon o nais itanong, mag-email lang po sa alecpaolo2016@gmail.com. Patuloy ninyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang “Sportalakan”, tuwing Martes ng alas-sais ng gabi sa Abante News Online. Maraming salamat po!