Abante Tonite Interactive

7-anyos biktima ng rape-slay sa Pasig

824

Isang batang babae na pitong taong gulang ang gina­hasa saka pinatay ng tricycle driver na kapitbahay nila sa Pasig City.

Natagpuan ni Anthony Ludana, 31, ang kanyang anak na si Maritoni, grade 1 student, na patay na at duguan ang buong katawan sa loob ng bahay ng suspek na kinilalang si Gomer Subido, 43-anyos, residente ng San Vicente St., Brgy. Pineda, Pasig City.

Walang damit pambaba ang biktima nang matagpuan ang bangkay nito ng kanyang ama sa bahay ni Subido. Nakitaan din ng mga pasa sa katawan at basag ang bungo ng paslit.

Ayon sa mga kamag-anak ng paslit, natanggal din ang mga ngipin nito na indikasyong nanlaban ito sa suspek.

Napag-alaman na Sabado ng gabi pa nawawala ang paslit na huling nakita ng kanyang ama na nakikipaglaro pa sa kanyang mga kaibigan sa kanilang lugar bandang alas-8:30 ng gabi.

Dahil hindi umuwi sa kanilang bahay, ini-report ng kanyang ama sa kanilang barangay na nawawala ang paslit.

Pero nagtanong-tanong din umano ang mga magulang ng biktima sa kanilang mga kapitbahay hanggang may nagsabi sa kanila na nakita ang paslit na kasama ng suspek na si Subido

Agad nilang pinuntahan si Subido sa bahay nito pero itinanggi umano na naroon sa kanila ang biktima.

Dahil dito, humingi ng tulong sa pulisya ang mga kaanak ng paslit at binalikan nila si Subido sa bahay nito pero hindi na dinatnan ang suspek.

Naaresto si Subido sa follow-up operation ng mga pulis sa bahay ng kamag-anak nito sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng hapon