Abante Tonite Interactive

7 BOC personnel sinibak ng Ombudsman

263

Pitong opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang sinibak ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa kinakaharap nilang mga kasong administratibo.

Sa kautusan na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires noong Agosto 15, ipinag-utos nito ang pagsibak kina Deputy Collector for Operations Ramon Hernandez, Customs Operations Officer V Lomonto Macabando, Customs Operations Officer III Vanzandt Remonde, Special Police Assistant Chief Jaybee Raul Cometa, Customs Security Guard II Renly Tiñana, Special Agent I Oscar Farin, at Customs Operations Officer III Vicente Gamboa.

Sinibak si Hernandez dahil sa tatlong kaso ng kapabayaan sa trabaho at grave misconduct kaugnay sa nawawalang 230 cargo container mula sa shipment na nakarehistro sa Batangas Port.

Kinasuhan naman si Macabando ng grave misconduct dahil sa smuggling ng mga alahas noong Mayo 2018 habang si Tiñana ay sinibak dahil sa tangkang pagdeposito ng malaking halaga ng pera sa iba’t ibang bank account.

Sina Remonde, Cometa at Farin ay nasangkot naman sa iba’t ibang iregularidad sa paghawak ng mga shipment sa kanilang area of operation.

Sinuspinde naman si Customs Operations Officer IV Dolores Domingo sa loob ng isang taon at wala itong matatanggap na suweldo matapos mapatunayang guilty sa kasong gross insubordination.

Hindi binanggit ng Ombudsman kung may kinalaman ang pagsibak sa mga naturang BOC personnel sa isinasagawang imbestigasyon sa ahensiya batay na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Yves Briones)