Abante Tonite Interactive

7 chinese kidnapper sa okada timbog

333

Nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong Chinese national na sangkot sa pag-kidnap sa isa nilang kababa­yan noong Linggo ng hapon sa Balagtas Royale Mansion sa ­Pasay City.

Ipinrisinta ni Vicente de Guzman, deputy director for Investigation Service, ang mga suspek na sina Liu Shenshui, Deng Shuijin, Xiong Jinxiang, Xiong Jonpeng, Xiong Jilong, Luo Gen Jin at Chen Yiguo, pawang ­Tsino at mga turista na kadarating ­lamang umano sa bansa.

Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention sa Pasay City Prosecutors Office.
Ang pag-aresto sa pito ay matapos magreklamo si Jian Shi Lun, kapatid ng biktimang si Jian Shi Xin na dinukot ng mga suspek sa Okada Manila sa Parañaque City at dinala sa hindi niya alam na condominium, doon idinetine at sinaktan ng mga suspek.

Pinayagan umano ng mga suspek ang biktima na makatawag sa kanyang kapatid para ipaalam ang sinapit na pinuwersa itong magbayad ng P200,000.

Nag-ugat umano ang pag-kidnap sa biktima matapos na umuwi sa China ang kanyang kaibigan na nangutang sa mga suspek na umano’y nagpi-­finance sa casino.

Hindi umano nakabayad ang kaibigan ng biktima sa mga suspek kaya siya ang kinuha para ma-pressure ang kaibi­gan nito na magbayad ng utang.

Sinabi ni De Guzman na kinasuhan ang mga suspek dahil sa pag-kidnap sa biktima kahit wala itong kinalaman sa utang.