Abante Tonite Interactive

7 kongresista sa drug trade pinakakasuhan

By
2,015

Hinamon ng dalawang mambabatas ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kasuhan ang pitong miyembro ng Kamara na sinasabing kasama sa listahan ng mga politikong sangkot sa drug trade.

Nangangamba ang ilang mambabatas na malalagay sa kahihiyan ang institusyon kung ibibitin ng PDEA ang kanilang rebelasyon.

Ipinukol nina Akbayan Rep. Tom Villarin at Quezon City Rep. Winston Castelo ang hamon kay PDEA Director General Aaron Aquino matapos ihayag na may anim hanggang pitong miyembro ng Kamara ang nakapaloob sa narco-list at isa umano dito ay mambabatas mula sa Region 3.

Hinihintay pa umano ni Aquino ang basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ibunyag ang pagkakakilanlan ng mga personalidad na kasama sa listahan.

Ayon kay Villarin, dapat maghinay-hinay ang PDEA dahil maaa­ring humantong sa “trial by publicity” ang senaryo kung isasapubliko ng PDEA ang mga pa­ngalan na nasa narco-list ng hindi dumadaan sa tamang proseso.

“The PDEA’s list should be well-vetted and subject to due process as dragging names in public would be tantamount to declaring them guilty unless proven innocent. Cases should be filed first against concerned solons and others in the list,” komento ni Villarin.

Kahit na ano pa man aniya ang katayuan sa buhay ng sino mang ina­akusahan ay dapat dumaan ito sa due process alinsunod sa isinasaad ng batas.

“PDEA should also better bring the matter to proper legal forum. Filing a formal complaint against the concerned lawmakers is the most appropria­te thing to do instead of just making publi­city,” hirit naman ni Castelo.

Sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga nasasangkot ay mabibigyan din aniya ng patas na pagkakataon ng mga ito na maipagtanggol ang kani-kanilang sarili.