Abante Tonite
Mabilis sa Balita

7 LTO Enforcer kinotongan 10 van driver

0 125

Ni Nancy Carvajal

Nahaharap ngayon sa kaso ang pitong miyembro ng Land Transportation Office – National Capital Region matapos masangkot sa umano’y pangingikil sa mga van driver na bumibiyahe pa-Luzon, Bicol at Visayas.

Nabuking ang anomalya matapos magreklamo ang isa sa kanilang mga biktima.

Kinilala ang inireklamong sina John Vincent Saguil; Ramsid Nasilum; Richard Baldeo; Ariel Andres; Roi Nicolas; Gilbert Tenorio at John Marbida.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) – Special Action Unit, dinakip ng mga nagpakilalang enforcer ng LTO ang 10 mga van driver sa kahabaan ng EDSA ala-1:00 ng madaling araw at hiniritang magbayad ng tig-P20,000 para ma-release ang kanilang mga van.

Nabatid pa kay NBI –SAU executive officer lawyer Jerome Bomediano na nangyari ang bayaran sa loob ng tanggapan ng LTO, batay na rin sa sinumpaang pahayag ng isa sa mga driver.

Sa salaysay ng complainant, in-impound ng mga suspek ang kanyang van nang hindi niya mabayaran ang hinihinging P20,000 dahil P5K lang ang pera nito. Samantalang ang iba ay na-release matapos

makapagbayad ng kabuuang P180,000 sa mga humuling enforcer.

Ngunit sa isinagawang imbestigasyon ay nabistong hindi mga regular employees ang mga suspek kundi mga “job order employees/contractual” pa lamang kung saan pinalitaw ng mga itong mayroon silang mga `mission order’ na may basbas umano ng regional director.

Bukod sa kasong extortion ay nahaharap din sa kasong usurpation of authority ang pito.

“Under the law, it’s an LTFRB jurisdiction because the drivers are being charged of franchise violation,’’ ayon pa kay Bomediano.

Leave A Reply

Your email address will not be published.