Abante Tonite
Mabilis sa Balita

7 nabitag sa online sabong

0 43

Kalaboso ang pitong katao makaraang salakayin ng mga pulis ang isang iligal na online sabong sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga naaresto na sina Eduardo Villanueva, 51-anyos; Diego Lagado, 63; Kenneth Igot, 28; Alexander Marveda, 58; Vergenio Lagado, 57; Jaypee Paredes, 27, rider; at Rafael Roche, 47, security guard, pawang residente ng DM Compound, Brgy. 73 ng nasabing siyudad.

Ayon kay District Special Operation Unit-Northern Police District (DSOU-NPD) head P/Lt. Col. Jay Dimaandal, bandang alas-5:00, Sabado ng hapon, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na may grupo raw ng kalalakihan na nagsasagawa ng sabong sa DM Compound.

Base pa sa sumbong, maingay daw ang mga ito at malakas na nagsisigawan kapag nagsasalpukan na ang mga manok.

Kaagad na nagresponde ang mga pulis at inabutan pa umano ang mga nagsasabong, kung saan nang beripikahin ay nabatid na iligal ang nasabing online sabong website.

Hindi rin umano nakarehistro sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang online sabong ng mga suspek kaya sabay-sabay silang dinala sa presinto.

Nasamsam umano mula sa mga hinuli ang isang motherboard na may power supply box, at bet money na P2,950. (Orlan Linde)

Leave A Reply

Your email address will not be published.