Abante Tonite Interactive

7-taong gulang na bata, ginilitan at pinagsasaksak ng ama

By
0 186

Part 2
Sa mga unang linggo ng pagsasama ng mag-asawa, higit na ipinamalas ni Mark Alvin ang wagas na pagmamahal sa babaeng pinakasalan at ipinagkakaloob dito ang mga bagay na ­inaakala niyang makakapagpaligaya sa kanyang may-bahay.

Hindi naman naging­ mahirap para kay Mark Alvin na ipagkaloob sa asawa ang lahat ng anumang bagay na ninais niyang ibigay sa minamahal dahil malaki ang sustentong tina­tanggap niya sa mapagmahal na inang si Marlene na naka-base sa Estados Unidos.

Nang magdalang-tao si Cathy sa una nilang anak ni Mark Alvin, lalong hindi na niya naisipan munang magtrabaho sa ibang bansa upang mapangalagaan ang kanyang pagbubuntis.

Hindi rin pumayag si Mark Alvin na magtrabaho sa ibang bansa ang asawa upang matiyak na magiging maayos ang kanyang pagdadalang-tao lalo na’t sapat naman ang sustentong kanyang natatanggap sa ina kahit wala siyang trabahong pinagkakakitaan.

Lalong naging matingkad ang pag-iibigan ng mag-asawa dahil sa ipinamamalas na pag-aaruga at pangangalaga ni Mark Alvin sa asawang nagdadalang-tao at halos hindi na siya umaalis sa tabi ng ginang hangga’t hindi ito nagsisilang.

Nang ipanganak ni Cathy ang una nilang supling ni Mark Alvin, pinangalanan nila ang sanggol na babae na Angel Mark Cathlene na sunod sa pangalan nilang mag-asawa.

Mistulang wala ng katapusan ang pagmamahalan ng mag-asawa lalo na’t nakadagdag pa ang kaisa-isa nilang anak na nagsisilbing anghel sa kanilang tinitirhang bahay sa Aquino St., Brgy. Sta Lucia sa Quezon City.

Naging pugad ng kanilang pagmamahalan ang kanilang bahay habang ang mapagmahal na ina ni Mark Alvin na si Marlene ay wala namang sawang nagkakaloob sa kanila ng sustento habang naka-base sa Estados Unidos.

Nang magdiwang ng isang taong kaara­wan si Cathlene, ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang salapi upang maging makasaysayan ang gagawing selebrasyon habang imbitado ang lahat ng kanilang mga kaanak na naninirahan din lang sa malapit sa bahay ng mag-asawa, pati na ang malalapit nilang kaibigan.

Dito rin nakita ng kanilang kaanak at kapitbahay ang labis na pagmamahal na ipi­namamalas ng mag-asawa sa kaisa-isa nilang anak, kasabay rin ng pagpapakita ng tila walang kupas na pag-ibig ng dalawa sa isa’t isa.

Habang lumalaki at natututo ng ilang mga salita si Cathlene, lalo namang nalilibang ang mag-asawa sa ginagawang pag-aaruga sa kanilang anak kaya’t mistulang nawalan ng interes si Cathy na bumalik na muli sa ibang bansa upang magtrabaho habang wala ring balak si Mark Alvin na maghanap ng trabaho lalo na’t hindi naman napuputol ang ibinibigay na sustento sa kanila ng inang si Marlene.