Abante Tonite Interactive

7-taong gulang na bata, ginilitan at pinagsasaksak ng ama

369

Part 9

Matapos i-raffle sa Family Court ng Quezon City Regio­nal Trial Court (RTC) ang kasong isinampa ng pulisya laban kay Mark Alvin, napunta ang usapin sa sala ni Judge Ma. Lourdes A. Giron ng Branch 102.

Bagama’t nananatili ang simpatiya ng kanyang mga tiyahin at kaanak sa masaklap na sinapit ng dating masayang pamilya ng mag-asawa, hindi naman nila magawang kunsintihin at bigyan ng kaukulang ayuda si Mark Alvin upang maidepensa ang sarili sa kakaharaping kaso kaya’t napilitan ang husgado na pagkalooban siya ng sariling abogado na magtatanggol sa kanyang kinakaharap na usapin.

Sa pagharap ni Mark Alvin sa ginawang pagbasa ng demanda sa kanya sa sala ni Judge Giron, sinabi ni Chief Insp. Monsalve na hindi tinugunan ng akusado ang demandang inihain laban sa kanya kaya’t ang tumatayong abogado niya sa Public Attorney’s Office (PAO) ang naghain para sa kanya ng “not guiltyplea”.

Nang itakda ang pagsisimula ng paglilitis­ ng hukuman laban kay Mark Alvin, hindi siya maipagtanggol ng kanyang tumatayong abogado dahil hindi na tumutugon sa mga tanong ang akusado at nagpapakita na ito ng tuluyang pagkawala sa sariling katinuan.

Dahil dito naghain ng mosyon ang abogado ni Mark Alvin sa korte na humihiling na ipasuri sa mga psychiatrist na itatakda ng korte ang kalusugang pangkaisipan ng nasasakdal na kaagad namang tinugunan ng pangsang-ayon ni Judge Giron.

Matapos namang suriin ng isang dalubhasang psychiatrist na itinakda ng hukuman si Mark Alvin, napatunayan na wala na siya sa sariling katinuan kaya’t ipinasiya ni Judge Giron na isantabi muna o i-archived ang usapin.

Inatasan din ng korte na dalhin at ipasok ang akusado sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City upang doon isailalim sa panggagamot hanggang tuluyang gumaling ang pagkasira ng kanyang katinuan.

Sa panayam ng Tugis sa Clerk of Court ng Quezon City RTC Branch 102 na tumangging banggitin ang kanyang pangalan dahil wala siya sa tamang posisyon upang magsalita sa usapin, sinabi niya na pansamantala lamang o isinasantabi ng hukom ang usapin dahil wala na sa wastong isipan ang akusado.

Kapag aniya dumating ang oras na maga­ling na at nagbalik na ng tuluyan sa sariling katinuan si Mark Alvin, muling bubuksan ang usapin upang litisin siya sa kasong Parricide kaugnay sa ginawang karimarimarim na pagpatay sa sariling anak.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.