Abante Tonite Interactive

7-TODAS SA 1 GABING DRUG OPS

85

Natigmak ng dugo ang buong magdamag ng Sabado nang sunud-sunod na tumimbuwang sa magkakasunod na anti-drug operations sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig-lalawigan ng B­ulacan ang pito umanong sangkot sa iligal na droga.

Pasado alas-siyete ng gabi nang bistayin ng bala si Sonny Gallegas, 34-anyos, walang hanap buhay at wala ring permanenteng tinitirahan nang dalawang kalalakihang lulan ng isang motorsiklo at naka-bonnet sa kahabaan ng Natividad V­illage, Brgy. 168, D­epa­ro, Quezon City ng nasabing lungsod.

Napag-alaman mula sa mga residente sa lugar na kilala umanong sangkot sa iligal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang biktima at palipat-lipat umano ito ng tirahan upang hindi matunton ng mga awtoridad.

Isang lalaki rin ang ang napatay matapos umanong manlaban sa mga tauhan ng pulisya sa buy-bust ope­ration sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PSInsp. Cyrill Dagusen ng Quezon City Police District Station IV – Station Anti-Illegal Drugs (SAID), alas-7:51 ng gabi nang maganap ang insidente sa Sta. Barbara Street, Brgy. Gulod, Novaliches ng nasabing lungsod.

Target ng operasyon ang kilala umanong tulak ng ipinagbabawal na gamot na si Manuel Ocaya o mas kilala sa Alyas No­nong. Nasa kalagitnaan umano ng transaksyon ay nakatunog ang suspek na pulis ang kanyang pinagbibentahan dahilan upang bumunot ito ng baril at paputukan ang mga tauhan ng pulisya, doon na napili­tang gantihan din siya ng putok ng mga nakapalibot na alagad ng batas na agad naman niyang ikinatama.

Sa Bulacan ay limang drug pusher kabilang ang isang babae at apat na nasa listahan ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ang napatay bandang alas-11:30 ng gabi makaraang mauwi sa engkuwentro ang paghahain ng search warrant ng Norzagaray Anti-Illegal Drugs Special Operative Task Force sa tinitirhang duplex ng mga suspek sa Brgy. FVR, Norzagaray, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., acting Provincial Director ng Bulacan PNP, ang apat sa limang napatay na sina Richard Calonzo alias White; Angel Ivano alias Angel; Levi Mateo alias Levi; Chito Talento alias Totoy/Palo at isang alias Neneng Boxer, pawang residente ng Block 22, Lot 64, Phase 2, Brgy. FVR, Norzagaray na nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang ulo at katawan na ikinasawi ng mga suspek.