Abante Tonite Interactive

700 drone ipapakalat ng PNP sa buong bansa

By
238

Ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) ang 700 drone sa iba’t ibang regional police units sa buong bansa para sa pagpapa­lakas ng police operations.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, nagkakahalaga ng P56 milyon o aabot sa P80,000 kada isa ang 700 drone at ipamimigay ito sa lahat ng police mobile group sa bansa.

“Meron tayong parating na 700 units of drones, at ii-­issue natin ‘yan sa iba’t ibang mobile groups natin at magiging standard procedure na sa kanila whenever they conduct operations,” saad ni Albayalde sa isang panayam kahapon.

Magagamit din umano ang mga drone para matignan muna ang mga lugar bago rumesponde sa mga insidente, dagdag pa ni ­Albayalde.

Isa sa ibinigay na halimbawa ng opisyal ang naganap na ­ambush sa Aurora province noong Martes kung saan namatay ang isang pulis at ikinasugat ng isa pa.

Ayon kay Albayalde, hindi umano nasunod ang security orders kaya may namatay na pulis. Matatandaang napatay si PO2 Martial Ronald Buendicho Rui­dera at ikinasugat ni SPO2 Angelo Nobleza Gawat matapos tamba­ngan ng mga miyembro ng NPA habang paresponde ang mga ito sa isang insidente ng arson.

“We do not know bakit hindi nila sinunod ‘yon. Kaya along the way doon sila na-ambush,” paliwanag ng opisyal.

Isa pang insidente ng pana­nambang na dapat sana ay naiwasan kung may drone ay ang naganap sa bayan ng Lupi, Camarines Sur kahapon ng umaga kung saan napatay ang 3 pulis at ikinasugat pa ng tatlong iba pa matapos ang pananambang ng tinatayang 20 miyembro ng NPA sa Barangay Napolidan, Lupi, Camarines Sur dakong alas-9:10 ng umaga.

Ang mga biktima ay pawang police escort ni Food and Drug Administration (FDA) Director ­General Nela Charade Puno na patungo sana ng Daet, Camarines Norte para sana dumalo sa isang pagtitipon doon.