Abante Tonite Interactive

71-anyos nabitin sa rape

645

By Orlan Linde

Kung naantala lang ng ilang minuto ang isang ginang, malamang na nailugso na ng matandang lalaki ang puri ng dalagitang anak na hahalayin na sana ng suspek sa Navotas City kamakalawa.

Wala ng saplot nang abutan ni Almira, 39, ang suspek na si Elizer Escalicas, 71, nakatira sa Block 14, Lot 28, Bisugo St., Brgy. NBBS ng nasabing lungsod, sa loob mismo ng kuwarto ng anak na itinago sa pangalang ‘Merly.’

Kuwento ng dalagita, alas-6:45 nang gabi, nasa loob siya ng kuwarto at wala siyang kasama ng mga oras na iyon. Hindi naka-lock ang silid kaya laking gulat ng dalagita nang biglang pumasok ang suspek.

Tinakot siya ng matandang lalaki na sasaktan kung hindi maghuhubad ng damit kaya napilitan ang dalagita na sundin ang una.

Akmang hahalayin na ni Escalicas si ‘Merly’ pero tiyempong dumating si Almira at naabutan ang eksena.

Sa galit ni Almira ay sabunot at kalmot ang inabot ng suspek saka tumawag ng mga barangay official na nagresulta sa pagkakadakip ng huli.

Nahaharap sa kasong attempted rape in Relation to 7620 si Escalicas kung saan ang kakatawan sa kaso ng dalagita ay ang kanyang ina.