Abante Tonite
Mabilis sa Balita

73 Chinese binitag sa beach casino

0 304

Pitumpu’t tatlong Chinese national at tatlong Pilipino ang dinampot matapos salakayin ng mga pulis ang isang resort sa Barangay Rapuli, Sta. Ana, Cagayan noong Martes ng gabi.

Ayon kay Cagayan Provincial Police Office (CPPO) director Col. Ariel Quilang, ang pagkakadakip sa mga suspek ay bunga ng search warrant sa isang Frank Yu, sinasabing may-ari ng OFA-Cagayan Estate Developer Corporation (OFA-CEDC) na umano’y nagpapatakbo ng illegal online gambling.

Sa inisyal na ulat, sinabi ng CPPO na isang `reliable source’ ang nagsumbong sa kanila hinggil sa iligal na operasyon ng OFA-CEDC.

Nakumpiska sa mga suspek ang mahigit 100 computer desktop at laptop na ginagamit sa online gambling.

Ayon kay Quilang, noong Oktubre 2019 pa ay nasa bayan na ng Sta. Ana ang nasabing mga Intsik na umano’y nagsasagawa na ng illegal online gambling.

Sinabi ni Quilang na makikipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration (BI) para malaman kung ligal na pumasok sa bansa ang mga nasabing Chinese national.

Dinala ang mga suspek sa CCPO at nakatakdang sampahan ng kaso. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.