Abante Tonite Interactive

77,000 pasaway sa quarantine naitala ng PNP

642

Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) na mahigit 77,000 katao na ang kanilang nahuli dahil sa paglabag sa enhanced community quarantine.

Ayon kay PNP deputy chief for operations Major General Guillermo Eleazar batay sa datos na mula Marso 17 hanggang Abril 2, umabot na 42,729 katao ang nahuling lumabag sa quarantine sa Luzon; 15,272 sa Visayas; at 19,775 sa Mindanao.

Aniya, nasa 20,612 ang inaresto (3,607 ang isinailalim sa inquest at 17,005 ang nakatakdang sampahan ng kaso), samantalang 53,197 katao naman ang binigyan lamang ng babala habang 3,967 na iba pa ang pinagmulta.

Bukod sa Luzon, nagpatupad na rin ng community quarantine ang ibang probinsya sa Visayas at Mindanao dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Samantala, umabot naman sa 607 katao ang dinampot dahil sa hoarding at profiteering samantalang 7,136 na mga pampublikong sasakyan ang tiniketan dahil bumiyahe pa sa kabila ng ipinagbawal na lahat ng mass transport upang higpitan ang hindi naman kinakailangang pagbiyahe sa panahon ng enhanced community quarantine. (PNA)

Tonite – Wendys Inhouse Ad