Abante Tonite
Mabilis sa Balita

8 adik umeskapo sa Rizal Jail

0 51

Umeskapo sa kanilang selda ang siyam na preso, walo sa mga ito ay may kasong iligal na droga matapos wasakin ng mga ito ang bintana ng male custodial facility ng Binangonan Municipal Police Station (MPS) kung saan sila nakakulong, Sabado ng madaling araw sa lalawigan ng Rizal.

Ayon kay Police Lt. Col. Rodolfo Santiago II, hepe ng Binangonan MPS, alas-4:00 madaling araw nang madiskubre ang pagpuga ng mga presong nakilalang Bryan Poras, 35; Joseph Picadizo, 22; Rolly Anas, 38; Edward Borja, Jason Francisco, Noel Guilardo, Jonel Prudenciado, Jefferson Santuyo, pawang may mga kasong iligal na droga, at Alex Anorico, may kasong pagnanakaw.

Winasak umano ng mga preso ang bakal na bintana ng kulungan at nang makalabas ay umakyat sa bubong ang mga ito at bumaba patungong Manila East Road sakop ng Barangay Calumpang ng nabatid na bayan saka naghiwa-hiwalay.

Mayroon pang impormasyon ang pulisya na ang ilan sa mga preso ay sumakay ng bangka patungong Talim island.

Samantala sa ginawang hot pursuit operation ng pulisya ay nasakote ang tatlo sa siyam na preso na nakilalang sina Poras, Picadizo, at Anas habang patuloy pa rin ang manhunt operation sa anim na iba pa.

Matapos ang pangyayari ay agad na sinuspinde ng pamunuan ng Binangonan MPS ang pagdalaw ng iba pang kaanak sa kanilang mga preso at minabuti na gawin muna ito sa pamamagitan ng online dalaw.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naganap na jailbreak. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.