Abante Tonite Interactive

8-anyos ginahasa ng kalaro sa maisan

741

Isang 8-anyos na babae ang ginahasa umano ng kanyang kalaro na 15 taong gulang sa gitna ng maisan sa Baggao, Cagayan noong Sabado.

Sa ulat ng Baggao Police Station-Women and Children’s Protection Desk, nakikipaglaro umano ang biktima nang pinilit itong dalhin ng 15-anyos na suspek sa maisan.

Ayon kay PMSg. Glenda Geron, hepe ng Women­ and Children’s Protection Desk, nagpumiglas ang biktima pero sapilitan itong hinila ng suspek sa naturang lugar na pinangyarihan ng panggagahasa.

Sinabi pa ni Geron na nakita ng kanyang ama ang biktima at nang tawagin ito ay doon na sumigaw ang paslit at humihingi ng tulong dahilan para tumakbo ang suspek.

Agad nagsumbong ang ama ng biktima sa Baggao Police Station kasama ang opisyal ng kanilang barangay kaya inaresto ang menor de edad na suspek.
Lumalabas umano sa pagsusuri ng mga doktor na positibo sa pagkakagahasa ang biktima.

Nasa pangangalaga na ngayon ng Municipal Social Welfare and Development ang suspek­ na napag-alaman na isang out-of-school youth. ­(Allan Bergonia)