Abante Tonite Interactive

8-anyos sinakal ng pulis-Pasig

0 494

Isa na namang pulis ang sinibak sa puwesto matapos manakit ng isang 8-anyos na batang lalaki Linggo nang gabi sa Pasig City.

Bukod sa kinakaharap na kasong physical injury in relation to RA 7610 o child abuse law, tinanggal din sa puwesto ang suspek na si Staff Sergeant Nicolas Lapie, nakatalaga sa Marikina PNP at inilipat sa District Headquarters Support Unit (DHSU) ng Eastern Police District (EPD), ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Guillermo Eleazar sa cellphone interview kahapon.

Inatasan din ni Eleazar si EPD Director Brig. Gen. Nolasco Bathan na irekomenda si Lapie sa values and formation seminar sa Subic Bay Metropolitan Autho­rity (SBMA) kasama ang ilang pasaway na pulis.

Abante Hiring – IT dep

Sa imbestigasyon ng Women’s and Children Protection Division (WCPD) ng Pasig City police, naganap ang insidente alas-7:56 nang gabi habang nanonood ng basketball ang 8-anyos na biktima sa covered court ng Barangay Bambang.

Bigla na lang umanong nilapitan ni Lapie ang bata at sinakal ng kaliwang braso nito habang inum­pisahang saktan.

Sinubukang kumawala ng paslit subalit agad din itong nahablot ng pulis dahilan upang makaagaw-pansin sa mga nanonood ng basketball at inawat ang suspek.

Agad namang rumesponde ang pulis na tinawagan ng barangay at dinala ang suspek at biktima sa WCPD ng Pasig police upang imbestigahan. (Edwin Balasa)