Abante Tonite Interactive

8 brand ng suka delikado sa kalusugan

621

Peke at hindi gawa sa mga natural na sangkap ang karamihan sa mga suka na binebenta sa merkado, ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI).

Batay sa report na inilabas ng DOST-PNRI sa website nito (www.pnri.dost.gov.ph) na may petsang Mayo 10, 2019, nabatid na higit 360 sample ng mga suka sa Pi­lipinas ang isinailalim sa pag-aaral at lumalabas na walo dito ay gawa sa synthetic acetic acid.

Layon ng pag-aaral na alamin kung galing sa halaman o petroleum-based sources ang mga sangkap na ginagamit sa paggawa ng suka.

Paliwanag ni Raymond Sucgang, section head ng PNRI Nuclear Analytical Techniques Application Section, karaniwang sumasailalim sa proseso ng fermentation ang paggawa ng mga pampalasa at ang sangkap na ginagamit dapat dito ay mula sa prutas at iba pang natural product.

Gayunman, hindi pinangalanan ng DOST-PNRI kung anong mga brand ng suka ang luma­bas sa kanilang pagsusuri na posibleng gawa sa petrolyo o hindi natural ang ginamit na sangkap.

Isusumite umano ng DOST-PNRI sa Food and Drug Administration (FDA) ang resulta ng kanilang pag-aaral mula sa mga sinuring suka para maging bata­yan sa pagbuo ng bagong Vinegar Standards of the Phi­lippines.

Inihayag din ng ahensya na kasalukuyan na ring gumagawa ng ana­lytical techniques ang kanilang mga researcher para malaman din kung mayroong synthetic by-products ang iba pang pampalasa katulad ng ketchup, patis at toyo.