Abante Tonite Interactive

8 Chinese, 6 Vietnamese sinagip sa sex den

406

Nabuwag ng pulisya ang isang Asian sex trafficking syndicate na may prostitution den sa loob ng Clark Freeport Zone (CFZ) sa Pampanga matapos na salakayin ito Martes ng madaling-araw.

Walong Chinese at anim na Vietnamese na mga sex worker ang nasagip sa ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng Regional Anti-Trafficking Task Group ng Police Regional Office (PRO) 3 sa pamumuno ni Police Lt. Col. Ricardo Pangan sa isang condominium unit sa loob ng CFZ Regency Park.

Sinabi ni PRO3 director Police Brig. Gen. Rhodel Sermonia na matagal na nilang minamanmanan ang operasyon ng nasabing sindikato hanggang sa ikinasa na nila ang entrapment operation noong Martes ng madaling-araw.

Ayon kay Sermonia, tatlong Chinese national ang itinuturong operator ng sex den na nakilalang sina Wenqiang Zeng, Lin Xuan, at isang alyas ‘Lepai’.
Naaresto ng pulisya sina Lin at ‘Lepai’ samantalang pinaghahanap pa si Wenqiang na nakatakas sa pagsalakay ng mga awtoridad.

Sinabi pa ng pulisya na pawang mga dayuhan tulad ng Chinese at Korean national ang parokyano ng nasabing sex den.

Dinala sa pangangalaga ng Social Welfare and Development Office sa Angeles City ang mga nasagip na kababaihan.

Nakumpiska naman sa mga suspek ang ilang cellphone, mga carton ng condom, mga pasaporte, mga identification card, kotse at P400,000 marked money na ginamit ng isang undercover agent na nagpanggap na customer.

Ikinulong sa detention cell ng Camp Olivas ang dalawang naarestong Chinese matapos sampahan ng kasong kriminal sa korte. (Rudy Abular)