Abante Tonite Interactive

8 drug suspect sunud-sunod na pinatay sa Caloocan

103

Walong katao na hinihinalang sangkot sa droga ang pinatay kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Pasado alas-tres ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Phase 4, Package 5, Barugo Tangke, Bagong Silang na may placard sa ibabaw ng katawan nito na nagsasabing “PUSHER AKO WAG TULARAN”.

Dakong ala-1:40 ng madaling-araw nang pagbabarilin naman ng mga hindi nakilalang suspek ang 30-anyos na si Aqui­lino Pigar sa Phase 6, Package 4, Barangay 179 sa Camarin.

Bandang alas-10:36 ng gabi kamakalawa nang pagbabarilin ng riding in tandem si Joseph Agito sa tapat ng isang tindahan sa Sampaguita St., Barangay 185 sa Tala habang alas-9:30 ng gabi nang patayin din ang tricycle driver na si John Louie Ocampo sa Re­paro Road, Barangay 152 sa Bagong Barrio

Dalawang suspek din ang bumaril at nakapatay kay Virgilio Santarin sa Avocado Road corner Mangga St., Barangay 170 dakong alas-10:45 ng gabi.

Pasado alas-sais kamakalawa ng gabi nang pagbabarilin naman ng apat na suspek at mapatay si Ronald Guia, 31, sa Matatag St., Pangarap Village, Barangay 181 ng nasabi pa ring lugar.

Ala-1:30 ng mada­ling-araw kahapon nang pasukin sa loob ng kanyang bahay sa Alibangbang St., Amparo Subdivision, Barangay 179 at pagbabarilin sa ulo si Roberto Dagandan at makalipas ang sampung minuto, pinagbabaril din ng riding in tandem si Fernando Dona na nakatayo lamang noon sa tapat ng kanilang bahay sa Bagong Silang din.

Ilan sa mga biktima ay nakuhanan ng ilang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.