Walong indibiduwal ang dinampot sa entrapment operation ng Police Regional Office 3 hinggil sa umano’y hindi awtorisadong bentahan at pamamahagi ng mga produktong petrolyo sa Victoria, Tarlac.
Isinagawa ang operasyon noong Oktubre 1 sa isang gasoline station sa Barangay Sta. Catalina Maluid, matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y ilegal na kalakalan ng petrolyo. Dalawang indibidwal ang unang naaresto sa ilegal na pagbebenta ng gasoline.
Sa gitna ng operasyon, namataan din ng mga pulis ang paglilipat ng mga produktong petrolyo sa pagitan ng dalawang tanker truck na may kapasidad na 20,000 at 60,000 litro. Nasa P1 milyon ang halaga ng mga produktong petrolyo, habang anim pa ang inaresto dahil umano sa pagkakasangkot sa aktibidad.
Kabilang sa mga nasamsam ng pulisya ang dalawang tanker truck, mga fuel dispenser, sales invoice, marked money, at perang umano’y mula sa bentahan.
Inihahanda na rin ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek para sa umano’y paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33. (Johnny Reblando/Dolly Cabreza)











