Abante Tonite Interactive

8 nadale sa engkuwentro kontra NPA

309

Limang rebelde ang pinaniniwalaang nasawi habang may tatlong sundalo naman ang bahagyang nasugatan matapos ang bakbakan ng dalawang grupo kahapon nang umaga sa Calatrava, Negros Occidental.

Base sa ulat, dakong alas-5:30 nang makasagupa ang mga miyembro ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army laban sa tinatayang 30 miyembro ng New Peoples’ Army sa lugar.

Napag-alaman pa na bago pa ang eleksyon nitong Mayo 13 may mga na-monitor na ang mga sundalo hinggil sa presensya ng mga NPA at matapos na maberipika ay agad na nagsagawa ng combat patrol ang grupo kahapon nang umaga sa Sitio Putting Tubig, Brgy. Minautok, Calatrava ng nabatid na lalawigan.

Tumagal ang bakbak nang mahigit isang oras bago nagkanya-kanyang takas ang mga NPA sa iba’t ibang direksyon.

Tatlong sundalo umano ang nagkaroon ng bahagyang tama ng bala sa kamay at kili-kili subalit hindi naman malala ang mga ito habang patuloy na subject ng beripikasyon ng mga sundalo ang limang patay sa panig ng NPA na nakitang bitbit ng mga kasamahan base sa ulat ng mga residenteng naninirahan doon, gayundin sa dami ng nagkalat na dugo sa lugar ng labanan.

Nasamsam naman ng mga sundalo ang baril, bala at ilang personal na gamit ng mga rebelde na kanilang naiwanan sa pagtakas.

Patuloy ang hot persuit operation ng militar sa posibleng paghabol sa mga tumakas na NPA. (Edwin Balasa)