Abante Tonite Interactive

8 pulis-Talisay umamin na nangungupit ng shabu sa drug op

By
453

Umamin ang walo sa 65 nasibak na miyembro ng Talisay, Cebu-PNP na nangungupit sila ng mga pakete ng shabu sa mga ginagawa nilang buy-bust operation, ayon sa ulat ng opisyal ng Police Regional Office (PRO) 7 kahapon.

Ayon kay Chief Supt. Debold Snas, director ng PRO 7, positibo din sa isinagawang drug test ang isa sa mga nasibak na pulis na may ranggong Senior Police Officer 1. Sa ngayon ay hindi muna inilabas ng opisyal ang pangalan ng nabatid na pulis habang hindi pa lumalabas ang resulta ng confirmatory test.

Posibleng masampahan ng kasong admi­nistratibo ang nasabing opisyal bukod pa sa tuluyang pagsibak sa tungkulin.

Samantala, bagama’t umamin ang walong pulis na nangungupit ng nakukuhang shabu sa mga drug raid ay pinasinungalingang ibinebenta nila ang mga nakuhang iligal na droga.

“They denied they recycled the evidence,” pahayag ni Sinas.

Sinabi pa ni Sinas na nakausap na niya si Talisay City, Cebu Mayor Eduardo Guillas matapos ang pagsibak sa 65 pulis officer sa lungsod noong nakaraang Linggo.

Ayon sa alkalde, ang pagpapalit umano ng mga opisyal ng pulis sa lungsod ay posibleng maka-discourage sa investors sa pagtayo ng mga negosyo sa lungsod.

Taliwas naman ito sa sinabi ng isang opisyal ng kapitolyo na sadyang hindi ibinunyag ang pangalan na ang ginawang pagsibak ay simula ng pagbabago para maiwasan ang pagkalat ng iligal na droga sa lungsod. ()