Abante Tonite Interactive

8 senatoriable ng oposisyon malinis, subok na – Robredo

By
1,094

Ipinagmamalaki ni Vice President Leni Robredo na de kalidad ang mga kandidatong dadal­hin ng oposisyon at pantapat sa mga kandidato ng administrasyon sa 2019 election.

Ayon kay Robredo, hindi mahalaga sa kanila kung kumpleto o punuin ang 12 senatorial­ slate, kundi ang higit na importante aniya ay mahuhusay, malinis ang pangalan at subok na sa serbisyo ang mga kandidato ng oposisyon.

“Mas inclined ako na hindi punuin iyong 12. Ayaw kong magsasama lang ng mga pangalan para lang punuin. Parang, ang sa akin, whether anim iyan o walo iyan o sampu iyan, basta quality—kasi iyon ang hinihingi ng panahon ngayon,” ayon kay Robredo na chairperson ng Liberal Party (LP).
Bukod dito, nilinaw pa ni Robredo na hindi basehan ng pagpili nila ng kandidato ang popularidad kaya dumaaan umano ito sa masusing pag-aaral.

“Makikita niyo naman­ pag-announce namin na iyong pagpili talaga nito, pinaghirapan—pinaghirapan na sisiguraduhin na hindi popularity iyong magiging basehan, pero iyong husay, iyong linis ng pangalan. Iyong mga pangalan na matagal na nating… iyong parang uhaw tayo sa mga ganitong klaseng mga public officials. Iyon iyong ihahain natin,” ayon kay Robredo.

Sa Oktubre 24 inaasahang pormal na iaanunsiyo ng oposisyon ang kanilang senatorial line-up.

Base sa inilabas na senatorial line-up ng opposition coalition, kabilang sa listahan sina dating senador at Interior and Local Go­vernment Secretary Mar Roxas, incumbent Senator Bam Aquino, dating Solicitor General Florin Hilbay, Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, De La Salle University Law Dean Chel Diokno, dating Bangsamoro Transition Commission member Samira Gutoc, dating Deputy Speaker Erin Tañada, at election lawyer Romy Macalin­tal.