Abante Tonite Interactive

80% ng droga galing Bilibid – Lacson

697

Lalo pa umanong namayag­pag ang operasyon ng iligal na droga sa bansa nang makulong ang mga Chinese drug lord sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), ayon kay Senador Panfilo Lacson.

“Unang-una sa droga, ­kailan lumaganap nang husto ang droga? Nang nakulong ang mga Chinese drug lord kung saan tuloy-tuloy ang ­pamamayagpag ng operation ng droga, ang ­direksyon nanggagaling sa loob ng BuCor,” pahayag ni Lacson sa panayam ng Dobol B sa News TV.

Sa pag-usisa umano niya sa Philippine Drug Enforce Adminis­tration (PDEA) at Philippine National Police (PNP), inamin nilang galing sa mga Chinese drug lord ang direk na ­operasyon ng 80 porsyento ng iligal na ­droga sa bansa.
“Tanunginnatin ang PDEA, ­tanungin natin ang CIDG, ­tanungin natin ang mga pulis. Pag nag-interrogate sila, pag nag-im­bestiga sila, ang turo sa loob kung saan nanggagaling ang pag-direct ng operations,” sabi ni Lacson.

“Sila tinuturo lagi kasi ilang beses ko nakausap sa PDEA ­natin, si Gen. Magalong noon, talagang basta malakihang ­operation at nasabat dito sa ­labas, all roads lead to BuCor,” saad ng senador.

Ang tinutukoy ni Lacson ay si retired PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Benjamin Magalong na nagsa­gawa ng special intelligence ope­ration sa loob ng NBP noong 2014 kung saan ­nadiskubre ­nitong ang mga high profile inmate pa rin ang nagpapatakbo ng kalakalan sa droga sa bansa.

Dahil may pera, nagagawa umano ng mga Chinese drug lord na magsuhol sa mga ­BuCor official para makapagpasok ng mga kontrabado lalo na ang ­mobile phone at laptop.

Sabi ni Lacson, napakayayaman at makapangyarihan ng ilang mga high profile inmate kaya sila ang nagpapatakbo sa NBP at hindi na ang pamahalaan.

Ang mga nadiskubreng mga anomaly sa loob ng Bilibid ay patunay lang umano na pinapatakbo ito ng isang mafia sa loob ng piitan at wala aniyang magawa ang Bureau of Corrections (BuCor) dito. (Dindo Matining)