Abante Tonite
Mabilis sa Balita

800 sinibak ni Gokongwei

0 880

Mahigit 800 empleyado ang sisibakin ng Cebu Pacific ng mga Gokongwei sa Agosto matapos nitong pag-aralan at suriin ang mga plano ng airline dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ng Cebu Pacific noong Hunyo na ire-review nila ang mga plano ng kompanya dahil mag-iiba na ang plano ng mga pasahero pati na ang industriya dahil sa pandemya.

“It was clear after this process that CEB was too big for the operational requirements and expected new norms in the industry,” sabi ng kompanya.

Isang budget airline ang Cebu Pacific at ang kita nito ay base sa dami ng pasahero at biyahe ng kanilang mga eroplano. Dahil sa mga bagong requirements sa pagbiyahe tulad ng social distancing at iba pa, magmamahal ang gastos nito dahil hindi na mapupuno ang mga biyahe.

Sabi ng Cebu Pacific, nahirapan ito gawin ang desisyon ngunit kinakailangan para maibigay nila ang abot kayang pasahe sa eroplano.

Nang muli nitong simulan ang commercial operation noong Hunyo 2, cargo at sweeper flights lang ang mayroon ito. Sa ngayon, ang mga biyahe ng Cebu Pacific ay katumbas lamang ng 10% ng mga flight nito bago magka-lockdown sa bansa.

Una nang inalok ng Cebu Pacific sa kanilang mga empleyado na boluntaryong magpapatanggal sa trabaho ang mga datihan nilang mga tauhan.

Sa gagawing sibakan sa Agosto, ang retrenchment package na ibibigay ng Cebu Pacific ay higit pa sa naayon sa batas: isang buwan ng basic salary para sa kada taon ng serbisyo at walang babayarang buwis, gratuity pay na katumbas ng isang buwang suweldo at tax-free, libreng health benefits hanggang sa katapusan ng taon, pro-rated 13th month pay, at conversion ng mga hindi gamit na leave credits, at dalawang round trip ticket sa kahit anong destinasyon.

Sabi ng Cebu Pacific, naiintindihan nitong mahirap maghanap ngayon ng trabaho kaya’t tutulungan nila ang mga apektadong tauhan na makahanap ng trabaho sa ibang mga sister company tulad ng JG Summit, Universal Robina Corp., at iba pang kompanya ng mga Gokongwei. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.